Home NATIONWIDE Agrarian reform sa NegOr pinabilis ng DAR; 32 e-titles ipinagkaloob

Agrarian reform sa NegOr pinabilis ng DAR; 32 e-titles ipinagkaloob

278
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na pinalakas ng ahensya ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa at ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Negros Oriental matapos ipamahagi ang 32 electronic land titles (e-titles) sa 20 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Ayon sa DAR sa pamamagitan ng proyektong ito, nagkaroon ang mga ARB ng ligtas, hindi madaling mapeke, at madaling mapatunayang pagmamay-ari nagbibigay sa kanila ng kakayahang ipagtanggol ang kanilang karapatan at magkaroon ng kumpiyansang mamuhunan para sa mas mataas na produksyon sa bukid.

Kaugnay nito pinangunahan ng DAR Municipal Office sa Mabinay ang pamamahagi ng mga e-title bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na gawing mas moderno at mas mabilis ang proseso ng dokumentasyon ng lupa. Sa pagkakaroon ng indibiduwal na titulo, maiiwasan ang alitan sa hangganan ng lupa at mas mapapalakas ang pangmatagalang pagpaplano sa pagsasaka.

Kasabay nito, nagpalabas ang DAR Adjudication Board ng Writ of Installation na opisyal na naglagay sa mga benepisyaryo sa legal at pisikal na pagmamay-ari ng kanilang lupain.

Tiniyak nito na ang mga ARB ay may agaran at walang hadlang sa pagkamit ng mga suporta upang linangin at pamahalaan ang kanilang mga sakahan.

Kaugnay nito binigyang-diin ng DAR na ang matagumpay na pamamahagi ng e-titles at ang pag-install ng mga benepisyaryo ay patunay ng pinaigting na pagsisikap ng pambansang pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng repormang agraryo. Inaasahang magdudulot ito ng pagtaas ng produksyon sa agrikultura, mas matatag na kabuhayan sa kanayunan, at inklusibo at sustainable na kaunlaran.

Ang SPLIT Project ay isang pambansang programa na naghahati sa mga kolektibong Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) at nagbibigay ng indibiduwal na titulo sa bawat ARB.

Sa malinaw na hangganan at tiyak na pagmamay-ari ng lupa, naiiwasan ang sigalot, napagtitibay ang seguridad sa paninirahan at pagsasaka, at ganap na natatamasa ng mga magsasaka ang kanilang mga karapatan at benepisyo sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here