Home NATIONWIDE Agresyon ng China Coast Guard sa WPS, kinondena ng NZ

Agresyon ng China Coast Guard sa WPS, kinondena ng NZ

294
0

MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng seryosong pag-aalala ang New Zealand Embassy sa Maynila kaugnay ng pinakahuling pagkilos ng pananalakay ng China Coast Guard (CCG) at mga maritime militia vessel nito laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng territorial sea ng Pag-asa (Thitu) Island.

Sa isang kalatas na naka-post sa X (formerly Twitter) noong Lunes, sinabi ng gobyerno ng New Zealand na ito’y “concerned about dangerous actions by the Chinese Coast Guard against Philippine BFAR vessels,” at tinukoy ang napaulat na paggamit ng water cannon at direktang pagbangga sa Philippine vessel.

Nakasaad sa post na ang nasabing pagkilos ay “endanger lives at sea and risk increasing tensions.”

“New Zealand firmly calls for peaceful resolution of disputes in accordance with UNCLOS,” ang nakasaad sa kalatas, tinukoy ang United Nations Convention on the Law of the Sea—ang international treaty na tumutukoy sa “rights and responsibilities” ng mga bansa sa maritime zones.

Ang kalatas ay pagpapahayag ng pakikiisa ng New Zealand kasama ang ibang bansa, kabilang na ang Estados Unidos, Japan, at Australia—na isinatinig ang kanilang suporta para sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea.

Nauna rito, mariing kinondena ng gobyerno ng Pilipinas ang pinakahuling pagkilos ng pananalakay ng China Coast Guard (CCG) at mga maritime militia vessel nito laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa loob ng territorial sea ng Pag-asa (Thitu) Island.

Maghahain ang Maynila ng isa pang diplomatikong protesta laban sa Beijing at sinabihan itong maging tapat sa mga pahayag nito sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtigil sa mga agresyon nito.

Sa isang pahayag noong Linggo, tinawag ng National Maritime Council (NMC) na “grave concern” para sa bansa ang “illegal and reckless actions” ng CCG sa karagatan ng Pag-asa Island.

Ang NMC ay ang inter-agency body na nilikha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 2024 upang palakasin ang maritime security ng Pilipinas at pataasin ang maritime domain awareness ng mga Pilipino sa gitna ng mga agresibong taktika at pagbabanta ng China sa West Philippine Sea.

Ayon sa NMC, bandang 8:15 a.m. noong Linggo, tatlong sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang 30-meter BRP Datu Pagbuaya, ang nakaangkla malapit sa Pag-asa Island upang tulungan ang mga mangingisdang Pilipino sa ilalim ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM) nang magsagawa ng mapanganib na paglapit ang mga sasakyang pandagat ng CCG at Chinese maritime militia.

Pagsapit ng 9:15 a.m., sa loob ng territorial sea ng Pag-asa Island, direktang nagpaputok ng water cannon ang CCG vessel na may bow number 21559 sa BRP Datu Pagbuaya at sinadyang binangga ang hulihan nito, na nagdulot ng kaunting pinsala ngunit walang nasugatan sa mga tripulante.

Nanindigan ang gobyerno ng Pilipinas na ang Pag-asa Island ay teritoryo ng Pilipinas bilang bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG) ng lalawigan ng Palawan. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here