Home HOME BANNER STORY Agri damage sa El Niño, halos P4B na!

Agri damage sa El Niño, halos P4B na!

MANILA, Philippines – Malapit nang umabot sa P4 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa El Niño phenomenon, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Biyernes, Abril 19.

Sa El Nino bulletin, sinabi ng DA na aabot na sa P3.94 bilyon ang tinatayang pinsala sa mga sakahan sa 11 rehiyon, o ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, at Soccsksargen.

Apektado rito ang nasa 73,713 na mga magsaaka at mangingisda, habang apektado ang kabuuang 66,065 ektarya ng mga taniman.

Sa nasabing bilang, 76.87% o 50,785 ektarya ang may tsansa pang makabawi, habang 23.13%, o 15,281 ektarya ang wala nang tsansa pang makarekober.

Pagdating sa volume, nasa kabuuang 162,793 metriko tonelada ng production loss ang naitala sa bigas, mais at iba pang agricultural produce katulad ng high-value crops at livestock.

Ang bigas ang pinaka-apektadong pananim na may kabuuang value loss na P2.36 billion mula sa kabuuang 98,23 MT ng damaged rice crops sa 43,659 ektarya ng mga apektadong palayan.

Katumbas ito ng nasa 1.07% ng target production na 9,218,358.28 MT, kapwa para sa dry cropping season ngayong 2024, ayon sa DA.

Para sa mais, nasa 18,201 ektarya ng mga taniman ang apektado o 1.65% ng total target area na tinaniman sa 1,101,695.90 ektarya. Ang production loss naman ay 40,195 MT o 0.89% ng target production na 4,493,026.90 MT, kapwa para sa dry cropping season ngayong 2024.

Nasa P669.44 milyon ang halaga ng production loss sa mais.

Nakapagtala rin ng kabuuang pinsala na P497,000 sa anim na ektaryang taniman ang kamote, o katumbas ng 38 MT volume loss.

Habang ang high-value crops ay nakapagtala naman ng P868,840 halaga ng pinsala o 24,102 MT apektado ang 4,199 ektarya ng taniman.

Naitala rin ang pinsala sa fisheries sector at livestock at poultry sub-sectors sa P33.83 million at P6.95 million.

Samantala, sinabi ng DA na naipamahagi na nila ang aabot sa P1.09 bilyong halaga ng ayuda sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

“As support to production, high value crops with less water requirement were distributed to farmers in Western Visayas amounting to P2.05 million,” anang DA. RNT/JGC