Home HOME BANNER STORY Agri damage sa El Niño higit P6B na

Agri damage sa El Niño higit P6B na

MANILA, Philippines- Umabot na ang pinsalang dulot sa agrikultura ng epekto ng El Niño sa mahigit P6 bilyon, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Sabado.

Subalit, sinabi ni DA spokesperson Arnel de Mesa na mas mababa ito kumpara sa inaasahan, base sa ulat.

Base kay De Mesa, inaasahan ng ahensya na aabot ang pinsala sa 120,000 ektarya ng pananim. Subalit, batay sa pinakabagong datos, halos 60,000 ektarya lamang ang napinsala.

Inihayag ni De Mesa na hindi nila inaasahang madaragdagan pa ang pinsala sa agrikultura matapos maobserbahan ng PAGASA ang mga senyales ng paghina ng El Niño sa tropical Pacific Ocean.

Gayundin, tapos na ang harvest season at naghahanda na ang mga magsasaka para sa susunod na planting season.

Sinabi ng opisyal na isa pa sa mga dahilan ng mababang pinsala sa agrikultura ay ang mga isinagawang paghahanda ng pamahalaan at ng iba pang sektor.

Paglalahad ng DA, naitala sa MIMAROPA Region ang pinakamalaking pinsala ng El Niño, na umabot sa P1.7 bilyon, sinundan ng Western Visayas sa P1.5 bilyon, at ng Cordillera Administrative Region sa mahigit P800 milyong halaga ng pinsala.

Pinakaapektado sa matinding init ang mga palayan, sinundan ng mais at ng high-value crops. RNT/SA