
SA “patong-patong” na problema ngayon ni VP Sara Duterte—impeachment, bantang mga kaso mula sa National Bureau of Investigation/Department of Justice, bintang na korapsyon at reklamo niyang ‘state kidnapping’ sa kanyang ama na si Former President Rodrigo Roa Duterte—may kinalaman kaya sa lahat nang ito ang isa niyang abogado na hinihinalang “taksil” sa kanya dahil “espiya” umano ng ilang kongresista kapalit ng malaking halaga?
Ewan natin kung ‘TH’ (tamang hinala) lang ang ilang mga totoong “nagmamahal” kay VP Inday pero, lumalabas na may ganitong nangyayari sa bakuran ng Office of the Vice President!
‘Yun bang… may “inaalagaan” pala silang isang mapanganib na “ahas” sa kanilang hanay na nagsusuplay ng mahahalagang impormasyon sa mga nangyayari sa kampo ni VP Inday, sanamagan!
Ang siste, may nakalap na palang mga “ebidensiya” ang ‘CI’ (counterintelligence) ng OVP na “tumutumbok” sa isang abogado bilang “kontak” ng isang ‘lady solon’ na aktibo sa mga pagdinig ng Kongreso upang gibain, err, imbestigahan, ang OVP noong isang taon, aguy!
Kaya ba “kumpiyansa” ang Kongreso noon na kaya nilang “mabitag” si VP Inday? Dahil may bayarang impormante sa mga tauhan nito? Na kaya rin nilang “idiin” si VP Inday sa kanyang impeachment dahil pa rin sa mala-Cobra nilang impormante na pinagkatiwalaan ng ating Bise Presidente?
Pero ngayon na iba na ang mga isyu at papalapit na ang eleksyon, mukhang nawawalan na rin ng “gana” o interes ang nasabing kongresista na ituloy pa ang kanilang transaksyon, ganern?
Una nga kasi ay “milyones” umano ang kapalit sa bawat impormasyon na ibinibigay sa kanya nitong nasabing abogago, ehek, abogado. Kumbaga, ‘per piece’ ang kanilang “presyuhan!” Naisip ko tuloy: “Nagmamadali” kaya siyang yumaman kapalit ng “ulo” ni VP?
Mga ilang araw pa, huwag magtaka kung sumabog na sa publiko, kasama ang mga ebidensiya, ang karumal-dumal na pagkatao nitong nasabing abogado kaya ang payo natin, DUMISTANSYA ka na, atorni!
Baka kasi madamay pa ang promosyon ng asawa mo bilang ‘Judge’ sa Maynila eh, “sayang” din naman!
Abangan!