Home OPINION DROGA NAGBABALIK NGA BA TALAGA?

DROGA NAGBABALIK NGA BA TALAGA?

NAMAMASYAL ba kayo, mga Bro, sa mga barangay?

Kahit saan, sinubukan niyo na bang magtanong ukol sa droga…kung nagbabalik o hindi?

Sabi ng ating Uzi, swerte kung may mga barangay na matatagpuan kang drug free.

Kung mga diaryo naman ang inyong tatanungin, mga Bro, tambak ang mga padala ng mga reporter, correspondent at photographer ukol sa salot na ito.

Dahil naman sa maliit na espasyo sa mga pahina, pinipili lang ang malalaking pangyayari kaugnay nito at niiwan ang “maliliit” na istorya

Karaniwan namang galing sa pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at iba pa ang mga ulat ukol sa droga.

Dito lamang sa REMATE, araw-araw na may mga ulat sa droga.

TALAGANG SALOT

Heto ang ilang matinding bungang krimen ng droga na dapat alalahanin.

Sa Butuan City, ginahasa na, pinatay pa ng isang adik na security guard ang isang Grade 1 pupil.

Pinatay ang biktima sa pagsuntok sa mukha nito at paglublob sa putik ang mukha saka itinapon sa maputik na palayan, ayon kay PRO-13 Information Officer chief P/Maj. Jennifer Ometer.

Sa Zambales naman, ginawang pagkakitaan ng adik na ama ang malalaswang larawan ng kanyang mga menor-de-edad na anak.

Nakapiit na ang suspek sa National Bureau of Investigation detention facility, ayon kay NBI-NCR chief Director Ferdinand Lavin.

Iniulat din ni Lavin ang isang adik at laging bangag sa droga na ama na ginawang parausan ang kanyang mga menor-de-edad na sariling anak sa Parañaque.

Sa Cebu City, pinagtataga ng isang 73 anyos na ama ang kanyang sariling anak na lulong sa droga.

Idinepensa ni Norberto Montillana ang sarili nang sugurin siya ng anak niyang bangag sa droga para patayin.

Habang tinitipa natin ito, may dalawang menor-de-edad na hinuli sa pagtutulak ng shabu sa Tanay, Rizal; dalawa rin sa Taytay, Rizal; isa sa San Pablo City, Laguna; at isa sa Tanza, Cavite.

Nauna rito, nabuking din ang bentahan ng kilo-kilong shabu sa pamamagitan ng delivery ng parcel sa Barangay E. Rodriguez sa Quezon City; halagang P340 milyong shabu sa Brgy. Putatan, Muntinlupa City; isang kilong shabu sa Stanford St., QC; kalahating kilong shabu sa Cuenca, Batangas; P3 milyong shabu sa Sampaloc, Manila; halos P550,000 shabu sa Makati City at marami pang iba.

KRIMEN AT DROGA

Mismong ang mga ulat ng pulisya na sila’y nakadadakip ng mga adik, tulak at druglord ang patunay na nagkalat talaga ang droga kahit saan sa mahal kong Pinas.

Pero tingnan ninyo ang ibinubungang krimen ang droga gaya ng pag-rape ng amang adik sa mga sariling nitong anak, pagpatay at pag-rape sa mga paslit, paggawa at pagbenta ng mga video ng mga adik na ama at pakikipag-sex sa mga ito.

Totoo na may nahuhuling mga adik, tulak, rapist at nambababoy sa sarili nilang mga anak na mga sangkot sa droga.

Pero patunay lahat ng ito ng lumalalang pagkalat ng droga na mabilis na natutugunan sa panahon ni ex-Pangulong Digong Duterte.

Kung magpapatuloy ang muling pagkabuhay ng droga at krimen kahit saan, saan kaya kaya patutungo ang Pinas?