SA kabila ng pagluluksa ng sports community at malaking isyung kinakaharap dahil sa pagpanaw ng dalawang estudyanteng atleta, mahalagang pagtuunan din natin ng pansin ang kahandaan dahil sa nangyaring lindol kamakailan sa Mindanao kabilang ang mga bahagi ng General Santos City at karatig-probinsiya.
Nagsisilbi itong paalala na ang Pilipinas ay isang bansang laging tinatamaan ng malalakas na lindol.
Ayon sa mga eksperto, lumilindol dahil sa paggalaw ng malalaking tipak ng lupa na tinatawag na tectonic plates. Nagkakaroon ng pagyanig dahil sa matinding puwersa o stress sa pagitan ng mga fault line kapag bigla itong kumawala. Dahil ang Pilipinas ay matatagpuan sa Pacific Ring of Fire at napapalibutan ng mga aktibong fault at trench, normal ang madalas na pagyanig sa ating bansa.
Isa sa mga pinakamalaking kinatatakutan ng mga siyentipiko ay ang tinatawag na “The Big One,” isang malakas na lindol na maaaring magmula sa paggalaw ng West Valley Fault. Tinatayang maaari itong umabot sa magnitude 7.2 at makaapekto sa malaking bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lalawigan tulad ng Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite. Ayon sa mga pag-aaral, posibleng magdulot ito ng malawakang pagkasira ng mga gusali, pagkamatay ng libo-libong tao, at pagkaantala ng mahahalagang serbisyo tulad ng kuryente, tubig, komunikasyon, at transportasyon.
Dahil dito, hindi dapat maging kampante ang publiko. Kailangang magkaroon ng family emergency plan, emergency go bag, at sapat na kaalaman sa tamang emergency preparedness tulad ng safety protocol na “Duck, Cover, and Hold” habang lumilindol. Mahalaga rin ang regular na earthquake drills sa bahay, paaralan, at workplace.
Kailangan ding pangunahan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng malawakang rigid drill exercise at drill evaluation para naman maintindihan ng mamamayan ang importansiya ng sapat at angkop sa isinasagawang routine earthquake drills. Mahalaga ding pag-aralan ang pagkakaroon ng secondary assembly point o staging kung sakaling hindi na ligtas at nawasak ang primary assembly point para sa mga survivor.
Kahit anong sakuna pa ang dumating, kahit pa ang “The Big One”, ang pagiging alerto at sistematikong paghahanda ang pinakamabisang proteksyon para sa ating buhay at pamilya.






