Home NATIONWIDE AI technology target gamitin ng SC

AI technology target gamitin ng SC

MANILA, Philippines- Pinag-aaralan na ng Supreme Court (SC) ang posibleng paggamit ng artificial intelligence (AI) sa korte para sa mas mabisa, patas at madaling pag-access sa judicial process.

Inaalam na ng SC ang posibilidad na gumamit ng AI at iba pang apps na ginagamit na sa ibang bansa para mabilis na maisalin sa simpleng pananalita ang mga pagdinig sa korte upang maintindihan ng mga simpleng mamamayan.

Nabatid na pinag-aaralan na ng Mataas na Hukuman ang mga magiging pakinabang kung gagamit ng AI ang hudikatura.

Ang AI app ay maaring gamitin para isalin sa iba’t ibang dialect ang mahahalagang desisyon na inilalabas ng korte.

Saklaw din ng ginagawang pag-aaral ang maaring panganib na idulot ng paggamit ng AI bagama’t may mga bansa nang gumagamit ng “AI-enabled research tools and AI-enabled voice-to-text transcription applications” bilang tulong sa trabaho ng court stenographers.

Dahil sa makabagong teknolohiya ay maaring makatulong ito sa kakulangan ng court stenographers sa bansa.

Gayunman, tiniyak na dati ni Chief Justice Alexander Gesmundo na hindi kailanman papalitan ng AI ang trabaho ng stenographers.

Ang paggamit sa AI technology ay bahagi ng Strategic Plan for Judicial Innovations (SPJI) ng SC na binuo noong 2022. Nakalatag dito ang mga repormang ipatutupad sa hudikatura hanggang taon 2027. Teresa Tavares