MANILA, Philippines- Upang makaiwas sa polluted na hangin, ang publiko ay pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) na i-monitor ang Air Quality Index sa kanilang lugar.
Sa gitna na rin ito ng mga ulat ng pagkakaroon ng haze sa ilang bahagi ng Quezon City at lalawigan ng Rizal.
Pinag-iingat din ng ahensya ang publiko lalo na sa mga taong sensitibo sa polusyon sa hangin na laging handa ang kanilang gamot na base sa payo ng kanilang doktor.
Kasama rito ang mga may asthma, emphysema, COPD o chronic obstructive pulmonary disease at mga katulad na sakit.
Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na kung hindi maiiwasang malantad sa haze o polluted na hangin sa labas, magsuot ng face mask lalo na ang N95 mask.
Kabilang sa batayan sa Air Quality Index ang particulate matter 10 micrometers o PM 10 at PM 2.5 na kinokolekta ng Environmental Management Bureau ng DENR.
Ang PM 10 ay nagdudulot ng iritasyon sa upper respiratory tract gaya ng sinus at lalamunan habang ang PM 2.5 ay aabot ng baga na nagdudulot ng atake ng asthma at problema sa cardiovascular system. Jocelyn Tabangcura-Domenden