Home NATIONWIDE Air quality monitoring sa bansa palalakasin ng PhilSA, KOICA

Air quality monitoring sa bansa palalakasin ng PhilSA, KOICA

MANILA, Philippines – Magsasanib-pwersa ang Pilipinas at South Korea upang pagbutihin pa ang monitoring at pagbuo ng mga polisiya kaugnay ng kalidad ng hangin.

Nitong Biyernes, Agosto 4, inanunsyo ng Philippine Space Agency na tuminta ito ng kasunduan kasama ang Korea International Cooperation Agency (KOICA) para sa Pan-Asia Partnership for Geospatial Air Pollution Information at Pandora Asia Network (PAPGAPI-PAN) project.

Sakop nito ang technology transfer, data sharing, at capacity-building initiative sa air pollution gamit ang datos mula sa Geostationary Environment Monitoring Spectrometer (GEMS) sakay ng GEO-KOMPSAT-2B satellite ng Korea na suportado pa ng ground-based remote sensing instruments na tinatawag na Pandora.

Ang GEMS ang kauna-unahan umanong geostationary satellite sensor para sa air quality monitoring, kung saan nagagawa nitong mamonitor oras-oras ang air pollution levels sa 20 bansa sa Asya kabilang ang Pilipinas.

Mabibigyan ng pagkakataon ng PAPGAPI-PAN ang PhilSA na pagsamahin ang satellite at ground measurements para sa komprehensibong pagtaya ng air quality sa bansa.

Bago rito, sinabi ni PhilSA Director General Joel Marciano Jr. na sa pamamagitan ng remote sensing technologies at ground validation techniques, ang mga trend katulad ng air quality patterns at environmental characteristics katulad ng climate change vulnerabilities ay magagamit ng mabuti para makapag-analisa ng desisyon sa climate change mitigation at adaptation programs, maging sa disaster risk response and management efforts.

Ang Pandora instruments ay ilalagay sa bansa ngayong taon at makapagbibigay ng real-time standardized, calibrated, at verified air quality data.

Magbibigay din ang KOICA at PhilSA ng technical at operational support upang ipatupad ang proyekto sa tukoy na lugar:
Puerto Princesa, Palawan; Manila Observatory sa Quezon City; at Metro Manila.

Ang iba pang potential sites ay sa Ilocos Norte, at Cebu City. RNT/JGC