NUSANTARA, Indonesia – Pansamantalang itinigil ng Indonesia ang operasyon sa Soekarno-Hatta International Airport noong Linggo dahil sa abo mula sa Bulkang Anak Krakatoa, na nasa mahigit 150 kilometro ang layo.
Pumutok ang bulkan noong Sabado at nagbuga ng lava at malalakas na tunog na narinig hanggang 700 kilometro ang layo, ayon sa geology agency ng Indonesia. Dalawa pang pagsabog ang naitala noong Linggo.
Nakita ang volcanic ash sa himpapawid sa paligid ng paliparan kaya sinuspinde ang operasyon mula alas-1:30 ng madaling-araw. Ayon sa transport ministry, “The latest paper test…showed positive results indicating the spread of volcanic ash in the Soekarno-Hatta International Airport area, consequently the airport closure was extended until Sunday at 09:30 am (0230 GMT),”
Apektado ng suspensiyon ang mahigit 22,000 pasahero at 209 flight, kabilang ang mga biyaheng papunta at mula Singapore. Naapektuhan din ang ilang international routes patungong Doha, Sydney at Kuala Lumpur.
Ang Anak Krakatoa, na nangangahulugang “Anak ng Krakatoa,” ay nasa kipot na naghihiwalay sa mga isla ng Java at Sumatra. Paminsan-minsan itong pumuputok mula nang lumitaw ito sa dagat noong unang bahagi ng nakaraang siglo, sa bunganga na nabuo matapos ang mapaminsalang pagsabog ng Bulkang Krakatoa noong 1883.
Tinatayang 35,000 katao ang namatay sa pagsabog na iyon, isa sa pinakamapaminsalang sakuna sa kasaysayan.
Ang Indonesia ay bahagi ng Pacific Ring of Fire, kung saan nagtatagpo ang mga tectonic plate kaya madalas makaranas ng pagputok ng bulkan at lindol. RNT/MDS