Home NATIONWIDE Bilang ng nasawi sa hagupit ng Habagat, mga bagyo, 43 na –...

Bilang ng nasawi sa hagupit ng Habagat, mga bagyo, 43 na – NDRRMC

1
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 43 ang naiulat na namatay matapos hagupitin ng Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng at Pilandok ang ilang bahagi ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling datos ng NDRRMC na inilabas alas-6 ng gabi noong Setyembre 5, karamihan sa mga biktima ay namatay dahil sa landslide at pagkalunod. Mayroon ding nasawi dahil sa pagkakuryente at pagbagsak ng puno.

Naitala ang mga nasawi sa Benguet (15), La Union (1), Pangasinan (3), Zambales (3), Pampanga (2), Rizal (6), Batangas (4), Quezon (2), Oriental Mindoro (1), Occidental Mindoro (2), Negros Occidental (1) at Caloocan (3).

Samantala, 20 katao ang naiulat na nasugatan sa Ilocos Sur, Benguet, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.

Lima naman ang nawawala mula sa Quezon City, Manila, Batangas, Rizal at Pampanga.

Apektado rin ng sama ng panahon ang 2.9 milyong pamilya o 10.2 milyong indibidwal sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, National Capital Region at Western Visayas.

Sa 814 evacuation centers, kasalukuyang nanunuluyan ang 18,299 pamilya o 62,791 indibidwal.

Umabot naman sa 3,882 bahay ang bahagyang nasira habang 585 ang tuluyang nawasak.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang epekto ng Habagat sa Luzon at Visayas sa Linggo, na magdadala ng paminsan-minsang pag-ulan at thunderstorms sa ilang lugar. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here