MANILA, Philippines- Muling tatakbo sa May 2025 national and local elections ang Ako Bicol Party-List matapos muling maghain ng Certificate of Nomination and Acceptance upang ipagpatuloy ang mga programang isinusulong nito sa Kongreso.
Pinangunahan nina Ako Bicol Party-List Congressman Zaldy Co at Alfredo ‘Pido’ Garbin ang paghahain ng kandidatura sa Commission on Elections.
Sa isang pahayag, iniulat nila kung saan dinala ang mga proyektong nakuha ng Ako Bicol Party-List sa mga nakalipas na taon.
Kabilang dito ang pagpapagawa ng mga lansangan at tulay, ospital, school buildings, solar street lights, solar-powered water and irrigation projects, pabahay, trabaho sa disadvantaged workers, at mga ayuda tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations, medical assistance for indigent patients at Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Ayon kay Garbin at Co, patuloy nilang ipaglalaban ang pondo para sa mga nabanggit na proyekto na dumaraan lahat sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Isinusulong din ng Ako Bicol Party-List ang transparency at tamang paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Kasama dito ang paghihikayat kay Vice President Sara Duterte-Carpio na dumalo sa mga pagdinig sa Kongreso upang ipaliwanag sa taumbayan kung papaanong ginastos ang budget at confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na noo’y pinamumunuan ni Duterte.
Samantala, umabot na 190 Partylist ang naghain ng CON-CAN habang 194 naman ang nagsumite ng intensyon tumakbo sa pagka-senador. Jocelyn Tabangcura-Domenden