Home METRO Mag-ama sapol ng ligaw na bala ng sumpak

Mag-ama sapol ng ligaw na bala ng sumpak

Bulacan – Sugatan ang 26-anyos na ama at kanyang dalawang talong gulang na babaeng anak matapos aksidenteng tamaan ng ligaw na bala mula sa lalaking namaril sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Boyet Brillante, 29, habang ang biktima ay si Roshford at kanyang dalawang taong gulang na anak na itago sa pangalang Pam, kapwa residente ng Pabahay 2000, Brgy. Muzon South.

Sa report, naganap ang insidente bandang alas-7:40 ng gabi nitong Oktubre 7 sa Pabahay 2000, Brgy. Muzon.

Ayon sa report, binaril ng improvised shotgun (sumpak) ng suspek ang kaalitang nagngangalang Alex, 28, ng Brgy. Muzon proper subalit hindi niya ito tinamaan.

Sa kasamaang palad, aksidenteng tinamaan ang mag-amang nasa lugar nang maganap ang insidente ng pamamaril, ayon na rin sa mga saksi.

Nalamang naaresto kalaunan ang suspek ng mga awtoridad habang ang mag-ama ay dinala sa pinakamalapit na ospital para sa paunang lunas.

Nahaharap sa kasong Attempted Murder at Frustrated Homicide ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya. Dick Mirasol III