Home TOP STORIES AkoOFW tutol sa pagsasalegal ng e-sabong

AkoOFW tutol sa pagsasalegal ng e-sabong

DIIN ang pagtutol ng AkoOFW sa mungkahi na gawing legal ang e-sabong sa bansa.

Bagamat aminado ang AkoOFW na kelangan dagdagan ang pondo para patuloy na pagbibigay ng social services sa mga mamamayan, hindi solusyon aniya ang panukalang payagan ang muling pagbubukas ng e-sabong.

Ayon kay AkoOFW Chairman Dr. Chie Umandap maraming ibang paraan na makapag generate ng revenue ang gobyerno at hindi sagot ang pagsasalegal ng e-sabong.
Iginiit pa ni Umandap na nakatanggap siya ng impormasyon na may ilang mga dambuhalang operator ng e-sabong ay naglaan ng “lobby money” upang maitulak ang pagpapasa-legal ang online sabong.

Magugunita sa pagdinig ng House Committee on Appropriations tungkol sa budget ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) para sa 2025, tinanong ni OFW Rep. Marissa Magsino si Pagcor Chair Alejandro Tengco kung posible bang gawing legal muli ang kasalukuyang ipinagbabawal na “e-sabong” upang matulungan ang ahensya na patuloy na makalikom ng kita sa gitna ng pagbabawal sa POGO.

Naniniwala si AkoOFW Chairman Umandap na nagdudulot ng malaking kapahamakan at pasakit sa mga OFW at maging sa kanilang mga pamilya ang e-sabong kaya mariin nilang tinututulan ang pagsasalegal nito.

Dagdag pa ni Umandap na may ilang mga kababayan nating OFW ang humingi ng tulong sa Ako-OFW upang makauwi sa Pilipinas dulot ng pagkakabaon sa utang dahil sa pagsusugal sa e-sabong.

Kaya mariin ang kanilang pagtutol sa proposisyong buhayin muli ito para protektahan ang ipon at buhay ng ating mga kabayaning OFW at kapwa Pilipino. RNT