Home OPINION ALA-MR. NICE GUY

ALA-MR. NICE GUY

129
0

“MARAMI na akong kaaway at hindi ko kailangan ng kaaway. Kailangan ko kaibigan.”

Sinabi ito ni President Bongbong Marcos sa isang interview ngayong linggo — kalmado, maamo, at halos emosyonal na parang isang bata. Kung mayroon mang patunay na malamya ang nasa Malacañang, ito na ‘yun.

Una sa lahat, hindi na dapat magulat si Marcos na napaliligiran siya ng maraming kaaway, hindi lamang mga kritiko. Bago pa siya naluklok bilang Pangulo — dapat alam na niya — na ang kanyang apelyido, na naging tanyag dahil sa mahaba at marahas na diktaduryang pamumuno ng kanyang ama, ay sadyang marami nang kaaway sa pulitika.

Hindi na bago ‘yun — kundi mistulang matinding sumpa na nakakabit sa kanyang pangalan.

At ngayon, pagkatapos ng ‘midterm disaster’ na dinanas ng kalahati sa kanyang Senate slate at tanging isa lang sa mga nakalusot manalo ang sumipot sa kanyang anti-climactic “victory party,” hindi ko na ikinagulat na ang Punong Ehekutibong ito ay biglang naging desperadong makipag-ayos sa kanyang mga dating kaalyado na naging mortal na kaaway.

Para sa isang tao na noong 2022 ay nangampanya nang may “unity” kasama ang kanyang ngayon ay Bise Presidente, tanungin sana niya ang kanyang sarili kung bakit inaasinta ngayon ng kanyang ‘coalition dance partner’ ang kanyang ulo at handa nang magpaputok!

Well, alam na alam niya ang sagot dito: may bitbit na estratehiya si Bongbong nang kumandidato, kaya nakipagsanib-puwersa sa mga Duterte. Sa pagsugal niyang ito, nasungkit niya ang pagkapresidente at si Sara Duterte ang dapat sana’y numero uno niyang kaalyado.

Pero hindi lang sila basta parehong nabigo sa kanilang UniTeam. Nagtraydor ang Bise Presidente at kampo nito, o maaari rin na ang mga alter-ego ni Bongbong sa Palasyo ang salarin. Mayroon kasing bulung-bulungan: na ang Pilipinas daw ay mayroon ngayong tatlong presidente — ang inihalal, ang kanyang pinakasalan, at ang kanyang pinsan.

Marahil totoo ngang mabait si Marcos; pero isa sa kanila ang posibleng nasa likod ng pagkakaaresto at pagdadala sa The Hague sa palamurang ama (Rodrigo Duterte) ng Bise Presidente. At isa sa kanila ang malinaw namang nagpursige para ma-impeach si Sara sa halata namang tamang ang mga dahilan.

Pero dahil may dalawang makapangyarihang personalidad na nagsisilbing anino ng Pangulo, paano namang seseryosohin ang panawagan niya ng pakikipagbati sa mga kaalitan?

Ang isa pa, paano ka makikipag-ayos sa mga pinaniniwalaan mong kaalyado kung ang sarili mong Comelec chief — na nagkataong dati mong election lawyer — ang nangunguna ngayon sa pagdiskwalipika sa mga partylist na kaalyado ng mga Duterte, kahit pa napakaraming bumoto sa mga ito?

Kaya nang sabihin ni Marcos na, “Tanggalin natin ‘yung gulo,” mainam siguro na magsimula muna siya sa paglilinis ng sarili niyang bakuran.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here