SA isang iglap, biglang bumaligtad ang desisyon sa buhay ni Pangulong Bongbong Marcos.
Bukas umano siya sa “pakikipagbati” sa mga Duterte matapos ang kanilang sigalot sa pulitika at personal na rin.
Umamin si PBBM na marami na siyang kaaway at ayaw na niyang dagdagan pa ang mga ito. Ang nais niya ay mga “kaibigan” tungo sa kaayusan ng bansa.
Maganda ang pagnanais na ito ng Pangulo. Sino ba naman ang ayaw nang pag-aayos kung para ito sa kapakanan ng ating “bayang minumutya”.
Ngunit marami ang tumataas ang kilay sa kanyang hangarin. Marami ang hindi naniniwala na siya ay seryoso sa kanyang sinabi…pagkatapos ng mga nangyari sa nakaraan.
Ang tanong nga ng marami, gusto ba ng kanyang misis na si First Lady Liza Araneta ang pakikipagbati sa mga Duterte? Gusto rin ba ng kanyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez ang pakikipag-ayos kay VP Sara? Gusto rin naman kaya ng kanyang mga amuyong ang nais niyang “pakikipagbalikan” sa bise-presidente?
Siyempre, ayaw nila ang gusto ni PBBM at malamang sa alamang, hindi rin ito gugustuhin ng mga Duterte.
Ang sabi nga ni Atty. Harry Roque, neknek mo! Ehek!
**************
Kung totoo si PBBM sa nais na pakikipag-ayos sa mga Duterte ay agad niya itong patunayan.
Una, sibakin muna niya ang kanyang tagapagsalita na si Atty. Claire Castro na hindi nakatutulong sa kanyang administrasyon, bagkus ay nakadaragdag lang ng “apoy” sa pag-aaway ng mga Marcos at Duterte.
Si Castro ay hindi nagsisilbi para maghatid sa taumbayan ng magandang balita sa pamahalaan, sa halip ay nagsisilbi lang bilang pang-alaska at pagsasabi ng mga kasinungalingan laban sa mga kritiko ng gobyerno.
Pangalawa, kumilos siya upang maibalik sa bansa si dating Pangulong Duterte na inaresto at isinuko ng gobyerno sa International Criminal Court kung tunay siya sa hangaring rekonsilasyon.
At pangatlo, itigil ang impeachment laban kay VP Sara. Period!






