NAKABABAHALA ang nangyayaring pang-aabuso sa mga kinukuhang safety officer o SO sa ngayon. Dahil ito sa kagustuhang pagtitipid ng ilang employer habang tinutugunan ang mga pamantayan ng labor department.
Reklamo ng isa nating kaibigan na ayaw magpabanggit ng pangalan, eh mahigit isang dekada na raw siya sa kompanyang pinapasukan bilang human resource supervisor at noong Marso ng 2021 bigla na lamang siyang nakatanggap ng appointment letter mula sa kanyang boss para maging SO.
Inakala niya raw itong job transfer pero hindi pala, kasi karagdagang trabaho pala ito sa pagiging HR. Pinangakuan naman daw siya ng dagdag na sweldo. Actually, pwede naman ito sa low risk establishment at kompanyang kakaunti lamang ang tauhan. Ang siste, mag-aapat na taon na siya sa kompanya pero mukhang pangakong napako ang kaniyang napala. Sabi nga ng iba, pinangakuan ka na nga, tapos gusto mo pang tuparin? Abuso rin itong kaibigan natin, he-he-he. (Abusado nga! Trabaho lang naman ang ipinangako, di ba? -Ed)
Nangyayari rin ito sa ilang high risk establishment na may higit 100 empleyado kung saan ipinagkakatiwala ang posisyong SO sa ibang may regular na gawain.
Medyo hinay-hinay lang po mga bossing dahil kahit pa dagdagan ninyo ang sweldo nila, walang garantiyang magagampanan ng matiwasay ang dalawa nilang trabaho. Nakaka-stress po ito, naku, batas na nga pala ang mental health, he-he-he. (Mukhang hindi tayo kwalipikado dyan. Ha! Ha! Ha! – Ed)
Totoong nakatutulong ang pagtitipid para sa benepisyo ng kompanya. Pero dapat pakaisipin at pag-aralan ng mga employer kung totoong praktikal ito. Makalusot man tayo sa batas, sigurado namang sisilipin tayo ng ating mga kliyente. Paktay ang negosyo kapag nagkataon.
Alagaan natin ang mga safety officer dahil malaki ang kanilang role para sa proteksyon ng kompanya. Bigyan sila ng tamang pagkalinga at fair treatment upang ganahan silang gampanan ang tungkulin at maging seryosong safety officer.






