NAGING isang palaisipan at “misteryo” ang nangyaring nakawan sa isang bahay ni Laguna Governor Ramil Hernandez sa Bay, Laguna, noong Nobyembre 3, kung saan sinasabing umabot sa P20 milyon, CASH, ang natangay ng mga suspek.
Dangan kasi, sapul nang mangyari ang insidente, nabusalan, ehek, natahimik, na ang Bay PNP at kahit ang Laguna PPO sa ilalim ni PCol Gauvin Mel Unos, kung ano na nga ba ang sumunod na mga pangyayari?
Kung inaakala ni Gov. Ramil at PD Unos na “mamamatay” ang interes ng publiko sa isyu nang pananahimik, eh, excuse po, mga bossing. Sablay kayo d’yan, hane?
Una na nga ay napakalaking halaga ang nanakaw at interesado ang mga kababayan ko sa Laguna na masagot ang tanong kung saan nanggaling ang nakahihilong perang ito ng aming gobernador?
Ikalawa, at kung hindi pa ito nalamaman ni PD Unos, aba’y “leeg” niya (reputasyon) ang “nakataya” rito dahil nga hindi na kagandahan ang imahe ng mga pulis sa Laguna. At kung hindi niya ito ‘ma-solve,’ eh, posibleng “goodbye” na ang kasunod.
Maliban na lang kung ito talaga ang ‘agenda,’ ang masibak si Unos dahil sa kabila nang patuloy na imbestigasyon, walang malinaw na “lead” sa mga suspek—hanggang ngayon!
***
Ayon sa mga miron, hindi pwedeng pagbatayan ang “kapiranggot” na ‘finger print’ na nakuha sa ‘crime scene’ habang wala namang “nahagip” ang mga CCTV sa labas ng bahay at mga kalye sa Bay matapos ang krimen, kaya ang tanong: Saan “dumaan” ang mga salarin?
Hmm. Ano kaya ‘yan, “drawing” na nakawan? Pinalabas lang na may insidente pero wala naman talaga? Kung ganito nga, aba’y amoy ‘hatchet job’ ito laban kay PD, tama ba, kasamang Ed Amoroso?
‘Inside job’ kaya? Kung ganito naman, aba’y ito ang kasong madaling maresolba dahil madaling “paaminin” ang ‘usual suspects.’
Dapat lang lumabas ang katotohanan at mga motibo sa insidenteng ito.
Abangan!