KAILANGAN nga bang pahabain pa ang termino ng elected officials hanggang sa asawa, anak, at apo? Sa mahabang panahon ay sila-sila ang nakaupo?
May ilang senatorial aspirants na ang “campaign promise “ay pagpapahaba ng termino ng elected officials dahil “kulang” daw ang tatlong taon sa kanila.
Ha? Aba’y kulang pa ba na halos buong angkan mo na ang nakaupo sa local government unit mo?
Tapos ng siyam na taon mo, siyam na taon ng asawa mo, siyam na taon ng anak o apo mo. At hindi ka pa nakuntento n’yan at sa pamamagitan ng political connections mo ay nagkaroon ng bagong lalawigan, distrito o city para may matatakbuhan ang iba pa n’yong kapamilya?
Kulang pa ba at gusto n’yo na madagdagan pa termino n’yo?
Wala bang senatorial candidate na malakas ang loob na ang campaign promise ay pagsasabatas nang tunay at mahigpit na ‘anti-dynasty bill’? Iyong haharangin ang pagsusulong nang paglikha ng bagong distrito, siyudad o lalawigan para mag-accomodate ng politiko na wala nang matakbuhan.
Kaya daw kailangan pahabain ang term nila ay maigsi daw ang tatlong taon?
Kung isang taon pa niya pag-aaralan ang position na kanyang tinakbuhan dahil wala siyang alam, isang taon siya magbabawi ng ginastos niya at isang taon siya magpreprepara sa susunod na election — kahit na sampung taon kada termino pa ibigay sa kanila ay kukulangin nga talaga.
Kasalanan ba ng botante ang ganyang sistema dahil ang mga ganoon kandidato tinatangkilik nila? Maaari! Pero hanggang sinasanay ng mga kandidato na pera-pera ang halalan ay sila-sila nga ang iboboto.
“No choice” dahil walang iba at ang katwiran ng botante pagnanalo mga yan wala rin naman mangyayaring pagbabago sa kanilang pamumuhay kaya pera pera na rin ang pagboto.
May kasabihan na “we as a people gets the leaders that we deserve.”