Home METRO 2 patay sa aksidente sa cement factory sa Cebu

2 patay sa aksidente sa cement factory sa Cebu

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang factory worker sa San Fernando, Cebu matapos silang malibing sa tambak ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng semento.

Ayon sa ulat, naglilinis ng cement grinding area ang dalawang lalaki bago mangyari ang malagim na aksidente.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Jonel Baruedan Sr. at Chaulin Sabayton, 46 at 45 anyos.

Sa imbestigasyon, pumasok ang dalawang lalaki sa bag house dust collector kung saan kinokolekta ang mga dumi mula sa cement process.

Sa kabila nito, off-limit sa mga manggagawa ang naturang lugar.

Habang nasa loob ang mga biktima ay bigla na lamang nag-collapse ang bag house dahilan para malibing sa abo ang dalawang biktima.

“Sila talaga ang naka-task doon pero as for safety protocol, hindi talaga pwede dapat pasukin yun. Nangyari is individual na decision nung foreman na pasukin yung ash, na silipin yung dust collector,” pahayag ni Jan Christian Bautista, San Fernando Police chief, sa panayam ng GMA News.

Agad na dinala sa ospital ang dalawa ngunit idineklarang dead on arrival.

Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng cement factory habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nakiramay ang kompanya sa pamilya ng mga biktima at nangakong tutulong sa mga ito. RNT/JGC