Home OPINION NASAAN NA NGA PALA TAYO SA KALAMIDAD?

NASAAN NA NGA PALA TAYO SA KALAMIDAD?

HANGGANG katapusan ng buwan, walang nakikitang palatandaan na magkakaroon ang Pilipinas ng masamang panahon na magdadala ng bagyo.

Kung mayroon mang mga paggalaw ng kalangitan, tanging mga normal na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang nagsasabi niyan.

Sana nga magkatotoo ang lahat ng pagtaya ng panahon na ‘yan.

Naging labis-labis na ang kasiraan sa buhay at ari-arian na dulot ng mga bagyo, ulan, baha at landslide.

BIGAS, ISDA, KARNE KUKULANGIN

Sa rami ng nasira , sinasabi ng pamahalaan ngayon na dapat tayong umangkat para hindi tayo kapusin.

Bigas, isda at karne tayo kakapusin dahil sa labis na kakulangan.

Sa bigas, sinasabing aabot sa 4 milyong tonelada ang aangkatin sa rami ng nasirang mga palay at milyong magsasaka ang nabiktima.

Nasa 1.7 milyon toneladang isda naman ang namatay o nasira dahil pa rin sa mga bagyo at bahang nagdaan.

Mayroon pang pagbabawal sa pangingisda sa Visayan Sea na kinabibilangan ng Gigantes Island sa Iloilo, Olotayan Island hanggang Culasi Point sa Capiz; northeastern tip ng Bantayan Island sa Cebu province; kanluran ng Guimaras Strait, norte ng Negros Island.

Nasa 100,000 mangingisda pa nga ang maaapektuhan bagama’t hindi naman bawal ang mangisda sa mga malapit na dalampasigan.

Sa karne, ang pagdating ng hindi makontrol na African Swine Fever ang sumira sa suplay ng baboy.

Simula pa ito noong 2019 at hindi pa kayang kontrolin ito ng bakunang galit sa Vietnam.

Mag-aangkat ang Pinas sa Sweden, Portugal, India, Russia, Brazil, Spain at United States.

Kahit manok, tila magkakaroon din ng importasyon na higit na malaki sa dati at aabot umano sa sa kalahating milyong tonelada.

MGA IMPORTER KONTROLIN

Wala talaga tayong masabi kundi tama lang tayong mag-angkat.

Ito’y para mapunan ang mga pagkukulang.

Karaniwan na kasing kapag kulang ang suplay ng isang kalakal, nagmamahal ang kalakal na iyon.

Subalit dapat kontrolin ng gobyerno ang mga mag-iimport at pigilan silang magsamantala.

Marami kasi sa mga importer ang walang konsensya.

Dahil nakadepende sa kanila ang suplay, nilalaro nila ito para laging may krisis sa suplay at magdodoble, magtitriple ang presyo kahit napakamura ang pag-aangkat nila.

PAGBANGON NG MGA MAGSASAKA, MANGINGISDA, NAGHAHAYUPAN

Habang nag-aangkat tayo, dapat tingnan ng gobyerno kung paano tulungang muling makabangon ang mga magsasaka, mangingisda at naghahayupan.

Nasaan ang mga puhunan, makinarya, binhi, bangka, pagsasanay, warehouse, pagpreserba at iba pa na kailangan ng lahat ng naghahatid ng pagkain sa ating mga hapag-kainan at merkado?

Aabutin ng mga linggo, buwan o taon bago muling makabangon ang mga ito.

Subalit, napakahalaga ang kanilang papel sa pagbibigay ng buhay sa mahigit nang 110 milyong Pinoy.

Dapat magtulong-tulong lahat, pamahalaan at mamamayan, sa pagkontrol sa mga negosyanteng mapagsamantala at tumulong na umunlad at maging produktibo ang mga tagalikha ng pagkain para sa mga Pilipino.