Home HOME BANNER STORY VP Sara walang nakitang mga dokumento na pirmado ni ‘Mary Grace Piattos’

VP Sara walang nakitang mga dokumento na pirmado ni ‘Mary Grace Piattos’

MANILA, Philippines – Tumangging magkomento si Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Nobyembre 20 kaugnay sa P1 milyong pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol kay “Mary Grace Piattos.”

Aniya, wala pa siyang nakikitang acknowledgment receipts para sa confidential funds na pirmado nito.

Sa panayam, sinabi ni Duterte na ang mga dokumentong may kaugnayan sa confidential expenses ng kanyang mga opisina ay direktang ipinasa sa Commission on Audit (COA) ng special disbursing officer (SDO) at hindi dumaan sa kanya.

“I have no comment on that, ‘no, because I have not seen the acknowledgement receipt na kanilang sinasabi. Because basically, lahat ng mga documents, hindi siya dumadaan sa akin. Dumidiretso siya sa SDO and sina-submit siya sa…office ng COA na gumagawa ng audit ng confidential funds,” anang Bise Presidente.

“So hindi ako maka-comment lalong-lalo na hindi namin alam paano pinroseso ang pagbigay ng copies ng ARs (acknowledgement receipts) or ng submissions namin sa COA to the House of Representatives, and sino ang nagha-handle noong mga documents,” dagdag pa niya.

Sinagot ni Duterte ang patungkol sa alok na P1 milyong pabuya ng House good government and public accountability panel sa makapagbibigay ng impormasyon tungkol kay “Mary Grace Piattos,” na ang pirma umano nito ay makikita sa karamihan ng mga acknowledgment receipt para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Sa pagharap sa House committee on good government and public accountability, sinabi ng COA na ang OVP at DepEd ay nagpasa ng mga dokumento na may maling petsa, pirma na walang pangalan ng signatories, at hindi mabasang pangalan ng signatories para i-justify ang disbursement ng confidential funds nito noong 2022 at 2023.

Sinabi rin ni COA auditor Gloria Camora na marami sa acknowledgment receipts ay may petsang Disyembre 2023 ngunit wala silang datos sa eksaktong numero.

Mayroon din umanong undated ARs.

Pagpapatuloy, kinumpirma ng COA na mayroong 787 acknowledgment receipts na may unnamed signatories at 302 ARs na may unreadable names ng signatories na ipinasa ng OVP at DepEd para i-justify ang paggamit nito ng confidential funds noong 2021. RNT/JGC