MANILA, Philippines – Kanselado na ang ilang biyahe ng mga barko sa mga lugar na apektado ng bagyong Neneng na pinalakas ng Habagat.
Sa monitoring update ng Philippine Coast Guard (PCG) alas-8 ng umaga ngayong araw, Agosto 19, hindi na pinayagang maglayag ang mga sasakyang pandagat na bumibiyahe mula sa pantalan ng Batangas, partikular patungo sa katubigan ng Abra de Ilog.
Sa PMO Bicol naman, kanselado na rin ang mga biyahe ng mga barko ng Starhorse Shipping Lines, Inc. mula San Andres, Quezon, via San Pascual, Masbate, patungong Pasacao Port at vice versa.
Kanselado rin ang lahat ng biyahe ng mga barkong may 15 gross tonnage pababa sa Culion, Palawan.
Sa Port of Lubang sa Mindoro, kanselado ang lahat ng biyahe, gayundin sa Port of San Jose, lalo na ang biyahe ng MV Bunso Ferry 2 mula San Jose patungong Coron.
Dagdag pa ng PCG, kanselado rin ang biyahe ng MV Lite Ferry 11 mula Nasipit patungong Jagna sa Baseport ng Nasipit, PMO Agusan, dahil sa steering problem.