MANILA, Philippines — Ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila ang binaha nitong Miyerkoles ng umaga, Agosto 19, dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay sa flood monitoring ng MMDA hanggang alas-8:55 ng umaga, hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang G. Araneta Avenue-Talayan area sa Quezon City.
Sa Quezon City, umabot naman sa walong pulgada o gutter-deep ang baha sa Quezon Avenue corner D. Tuazon at Biak-na-Bato corner Quezon Avenue ngunit maaari pa ring daanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Sa Valenzuela City, nasa 13 hanggang 14 pulgada o half-tire deep ang baha sa MacArthur Highway sa tapat ng Toyota/Goodyear, kaya hindi ito madaanan ng light vehicles.
Sa Caloocan City, walong pulgada ang baha sa Rizal Avenue mula 999 Mall hanggang SM Grand Central at sa C3-NLEX Connector intersection, ngunit passable pa rin sa lahat ng uri ng sasakyan.
Naitala rin ang gutter-deep na baha sa Boni Avenue corner F. Ortigas sa Mandaluyong, gayundin sa Tayuman corner Abad Santos at Bambang corner Avenida sa Maynila.
Sa Malabon, hindi naman madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang Gov. Pascual Avenue sa Sitio 6, M.H. Del Pilar Street sa Barangay Maysilo, at M.H. Del Pilar Street sa Barangay Santulan, kung saan umabot sa humigit-kumulang 10 pulgada ang baha.
Patuloy na pinag-iingat ang mga motorista at pinapayuhang umiwas sa mga bahaging hindi madaanan habang nagpapatuloy ang pag-ulan.
Maaaring mabilis na magbago ang lalim ng baha at road passability kaya pinapayuhan ang publiko na bantayan ang pinakabagong advisories ng MMDA bago bumiyahe. Dave Baluyot