Home NATIONWIDE Alamin: Proseso ng residential land titling, pinabilis

Alamin: Proseso ng residential land titling, pinabilis

166
0

Nagpatupad ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga bagong patakaran upang mapabilis ang proseso ng residential land titling at matulungan ang milyun-milyong Pilipino na naninirahan sa mga pampublikong lupang wala pang titulo.

Ayon kay Environment Secretary Raphael Lotilla, inilabas ng DENR ang Administrative Order 2025-35 na nag-a-update sa residential free patent system alinsunod sa Republic Act 10023 o Residential Free Patent Act of 2010.

Pinalawak ng bagong patakaran ang depinisyon ng “actual occupant,” na nagpapahintulot sa mga tagapagmana, asawa, returning former Filipinos, at mga indibidwal na pansamantalang naantala ang pag-okupa dahil sa trabaho, kasal, o sakuna na makapag-apply para sa titulo ng lupa.

Itinakda rin ang 120-araw na processing period, ipinakilala ang electronic filing at tracking sa pamamagitan ng Land Administration and Management System Philippines, at pinahintulutan ang deferred submission ng certification mula sa Land Registration Authority nang hanggang 90 araw.

Nanatili ang standardized application fee na PHP150 at inalis ang cadastral survey costs upang maiwasan ang labis o hindi awtorisadong singil, lalo na sa mga aplikanteng mababa ang kita.

“We are fixing a system that has left too many families in uncertainty for too long,” ani Lotilla. “A title is more than a document – it is stability, dignity, and protection from abuse. Our duty is to ensure that land governance is efficient and responsive to the realities ordinary Filipinos face.”

Sinabi ni Lotilla na layunin ng reporma na tugunan ang matagal nang pagkaantala sa land titling na nagdudulot ng alitan sa pagmamay-ari, komplikasyon sa mana, at pagkaantala ng mga infrastructure project. Dagdag niya, mahalaga ang titulo upang magamit ang lupa bilang loan collateral at maprotektahan ang karapatan ng may-ari.

Binigyang-diin din ng DENR ang kahalagahan ng mas mahigpit na pamamahala sa foreshore areas upang maprotektahan ang coastal zones laban sa climate change, storm surges, at hindi kontroladong development. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here