MANILA, Philippines – Mahigit kalahati ng kasalukuyang mga senador sa Pilipinas ang naglabas ng kanilang pinakabagong Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Pinakamayaman sa kanila si Mark Villar na may net worth na P1.26 bilyon, kabilang ang P912.19 milyon na personal na ari-arian at P349.14 milyon na real estate. Wala siyang utang.
Ang kapatid niyang si Camille Villar ay may net worth na P362.07 milyon.
Kasama rin sa naglabas ng SALN sina Erwin Tulfo (P497M), Migz Zubiri (P431.77M), Panfilo “Ping” Lacson (P244.94M), at Lito Lapid (P202.03M).
Kabilang sa mga senador na dati ay naiuugnay sa mga kontrobersiya tulad nina Jinggoy Estrada (P221.21M) at Joel Villanueva (P49.50M) ay nagbigay din ng kanilang SALN.
Iba pang naglabas ng SALN ay sina Bam Aquino (P86.55M), Pia Cayetano (P128.29M), Chiz Escudero (P18.84M), JV Ejercito (P137.07M), Bong Go (P32.43M), Loren Legarda (P79.21M), at Rodante Marcoleta (P51.96M).
Ipinakita ng mga senador sa kanilang SALN ang kanilang personal at real properties, utang, interes sa negosyo, at mga kamag-anak na nasa serbisyo ng gobyerno.
Ang ilang senador mula sa minority bloc, tulad nina Alan Peter Cayetano, Imee Marcos, at Ronald “Bato” Dela Rosa, ay hindi pa naglalabas ng kanilang SALN. RNT