MANILA, Philippines – Inakusahan ni Senador Erwin Tulfo si Senate President Alan Peter Cayetano ng pagiging “pretentious” sa pagdepensa sa kasalukuyang komposisyon ng Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ng kapatid nitong si Senador Pia Cayetano.
Sa panayam, sinabi ni Tulfo na ang pangunahing pangamba ni Cayetano ay ang pagkawala ng kanyang Senate presidency dahil sa 11-11 split ng kapulungan.
“Ayaw niya lang sabihin na baka maagaw sa kanya yung Senate presidency. Doon po siya kinakabahan dahil 11-11 nga po. Doon naman po sa hearing sa Thursday, open po kami. Mag-imbita lang po siya, darating yung ilang miyembro ng minority. Hindi naman kami kokontra,” ani Tulfo sa panayam ng GMA News.
Sa ikalawang sesyon sa Senado ay hindi na naman dumalo ang mga miyembro ng majority bloc.
Itinanggi naman ng minority senators na plano nilang pigilan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang flood control projects na nakatakda bukas, Hunyo 4.
Inimbitahan ni Cayetano ang mga senador ng minorya para sa isang miting ngayong araw para tugunan ang mga pangamba sa paparating na hearing.
Para naman kay Tulfo, naniniwala siya na ‘insincere’ si Cayetano at sinabing hindi naman ito dumalo sa mga dating pagdinig ng Blue Ribbon at hindi pumirma ng chairman’s report.
“Parang hindi ko maintindihan, para namang pretentious, mapagkunwari, nagbabalat kayo si Senator Cayetano. Eh nung Blue Ribbon hearing, member siya, ex-officio, dahil Minority Leader siya, ni minsan po hindi siya umattend,” anang senador.
“Ex-officio siya, dapat pumirma sa chairman’s report, hindi siya pumirma kasi ilan sa kasamahan niya ay tatamaan sa Blue Ribbon. True enough, ayun yung mga kumampi sa kanya, yung may kaso po, kinampihan siya kaya siya naging Senate President,” dagdag ni Tulfo.
Nang tanungin naman kung may plano ang minority bloc na i-take over ang Blue Ribbon panel, sinabi ni Tulfo na walang dapat ipag-alala si Cayetano.
“Wala po, wala kaming numero. 11 lang kami, kailangan namin 12, 13 po, lalo na yung Senate presidency. Ano ba kinakatakot niya? Habang wala kaming number, 11 lang kami, Senate President Cayetano safe ka na.” RNT/JGC