Home SPORTS Alas Pilipinas bronze sa AVC Challenge Cup

Alas Pilipinas bronze sa AVC Challenge Cup

MANILA, Philippines – Hindi pinawisan ang Alas Pilipinas sa pagkuha ng makasaysayang bronze medal sa katatapos na 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Women matapos nilang itumba sa pangalawang pagkakataon ang higanteng team ng Australia sa bronze medal round.

Tinalo ng Pilipinas ang Australia sa loob ng three sets, 25-23, 25-15, 25-7.

Nanguna sa panalo ang star trio ng Alas na sina Angel Canino, Eya Laure at Sisi Rondina.

Bumawi ang Pilipinas mula sa nalasap na pagkatalo sa kamay ng Kazakhstan sa semis round noong Martes ng gabi at tinalo ang Australia para maibulsa ang Bronze sa AVC Challenge Cup.

Ito na ang  ika-16 na international podium finish ng nationals at una sa limang taon mula noong 2019 Asean Grand Prix kung saan nanalo ang Pilipinas ng back-to-back bronze medals sa magkabilang legs ng tournament.

Ito rin ang kauna-unahang medalya ng bansa sa isang torneo sa ilalim ng  AVC mula nang itatag ang national volleyball federation 63 taon na ang nakararaan.

Pinasalamatan ni Jia De Guzman, team captain ng Alas, ang mga fans sa kanilang suporta sa kahabaan ng kanilang kampanya.

“Salamat sa mga fan  na walang sawang sumuporta sa aming mga laro,” ani De Guzman.