MANILA, Philippines – Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagpakita ng ‘gestures’ o ‘willingness’ para sa ‘restitution’ sa kanilang inisyal na pag-uusap ni DPWH 1st District Engineer Henry Alcantara.
Nangangahulongan na bukas o ‘willing’ si Alcantara na ibalik ang umano’y mga nakuha nitong pera mula sa flood control projects.
“Yes, we haven’t gotten to the bottom of everything yet pero andun naman the gesture for restitution is there,” sabi ni Remulla sa ambush interview ng mga mamahayag.
Ayon kay Remulla nagkaroon sila ng unang pag-uusap upang isaayos ang mga dokumento na kanilang isinumite sa AMLC.
Ang dokumentong ito aniya ay mga kinakailangan ng AMLC para i-freeze ng kanyang mga bank accounts.
Aniya, magkikita ulit sila sa loob ng linggong ito upang isapinal ang kanilang pag-uusap.
Ito’y matapos ang unang hakbang ng DOJ sa pagproseso ng sinumpaang salaysay ni Alcantara sa hiling nito na mapabilang sa Witness Protection Program (WPP). Jocelyn Tabangcura-Domenden