MANILA, Philippines – Siniguro ng Public Works Secretary Vince Dizon, inaasahang makukulong bago mag-Pasko sina dating DPWH Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, at private contractor Sarah Discaya.
Sila ang kabilang sa unang reklamo ng DPWH sa Ombudsman noong Setyembre 11 kaugnay ng siyam na anomalous flood control projects na nagkakahalaga ng P249 milyon sa Malolos, Hagonoy, Baliwag, Bulakan, at Calumpit, Bulacan.
“First in, first out naman ang Ombudsman. Kampante kami na sa kulungan magpa-pasko ‘yung mga ‘yun kasi non-bailable na ‘un,” ani Dizon.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang DPWH employees na sina John Michael Ramos at Ernesto Galang, pati na ang mga private contractors na sina Ma. Angeline Rimando, Sally Santos, Mark Allan Arevalo, at Robert Imperio.
Target ng Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsampa ng impormasyon sa korte pagsapit ng Nobyembre 25. Hanggang sa ngayon, wala pang pahayag mula sa mga nasasakdal. RNT