MANILA, Philippines – Dumating nitong Miyerkoles sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sina dating DPWH Bulacan engineer Henry Alcantara at dating assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza upang tumestigo sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Kinumpirma ni ICI adviser at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isusuko ni Hernandez ang kanyang Lamborghini sa komisyon para sa kustodiya at tamang disposisyon ayon sa batas.
Nauna na rin niyang isinuko ang isa pang luxury car.
Sa pagdinig ng Senado nitong Martes, inamin ni Hernandez na lahat ng proyekto ng DPWH Bulacan, kabilang ang flood control, ay substandard.
Ibinunyag din niyang nagdala siya ng tinatayang ₱1 bilyon na nakalagay sa maleta para sa isang tauhan ni Rep. Zaldy Co. Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na posibleng isailalim si Hernandez sa Witness Protection Program.
Samantala, inihayag ni Alcantara na nakipagtulungan siya kay DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pagbibigay ng komisyon mula sa flood control projects sa kampo nina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, dating senador Bong Revilla Jr., Rep. Zaldy Co, at dating Rep. Mitch Cajayon. Mariing itinanggi ng mga mambabatas ang akusasyon.
Inirekomenda na ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban sa ilan sa kanila, maliban kay Revilla. RNT