MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon ng dismissed policeman na si Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid umano ito ng bilyon-bilyong pisong cash para sa kanya.
“Mariin kong tinatanggi ang mga pahayag ni Rodulfo Mondigo Gracioso Jr. sa kaniyang sinumpaang salaysay at mga panayam sa media na iniuugnay ako sa mga pangyayaring hindi ko ginawa, hindi ko nalalaman, o hindi ko personal na naranasan,” pahayag ni Duterte sa isang press conference.
Ayon kay Duterte, matapos niyang suriin ang mga lumang larawan, naniniwala siyang maaaring isa si Gracioso sa mga tauhang kinuha ng asawa ni dating House Speaker Lord Allan Velasco upang magbantay sa kanya.
Gayunman, sinabi ni Duterte na imposibleng direktang makalapit sa kanya si Gracioso dahil sa mahigpit na security protocols ng Presidential Security Group para sa kanilang pamilya mula nang magsimula ang termino ng kanyang ama bilang pangulo noong 2016.
“Hindi kailanman nangyari na ako ay sinundo ni Gracioso sa isang private hangar sa Pasay, sumakay sa isang Ford…na van at inihatid sa Diamond Hotel,” aniya.
Nagpakita rin si Duterte ng ilang larawan bilang patunay na taliwas sa alegasyon ni Gracioso, hindi siya kasama ni dating Davao City information officer Jefry Tupas sa Marinduque noong Holy Week 2019. Sinabi rin niyang wala siya sa Maynila noong Setyembre 21, 2019.
Inihambing ni Duterte ang affidavit ni Gracioso sa naunang affidavit ni Ramil Madriaga na nag-ugnay sa kanya sa umano’y illegal campaign funding at cash deliveries.
“Ang Gracioso affidavit ay tulad ng Madriaga affidavit na naglalagay ng akusasyon, ngunit hindi naglalagay ng detalye na puwedeng i-verify of i-confirm,” ani Duterte. RNT/MDS