Home HOME BANNER STORY Alegasyon sa First Lady base lang sa tsismis – Palasyo

Alegasyon sa First Lady base lang sa tsismis – Palasyo

302
0

MANILA, Philippines – Ipinagsawalang-bahala ng Malacañang ang kahilingan ng is0ang pribadong mamamayan na imbestigahan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang umano’y koneksyon ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa negosyanteng si Maynard Ngu, na tinawag ng Palasyo na “pawang tsismis” at “fishing expedition” upang dungisan ang kanyang pangalan.

Si Ngu, na CEO ng Cherry Mobile, ay iniugnay sa umano’y mga kickback mula sa mga flood control project.

Ayon sa mga opisyal, tumigil na siya bilang special envoy to China for trade, investments and tourism noong Agosto.

Ayon kay Palace press officer Claire Castro, ang “letter of sentiment” ni John Santander na humihiling sa ICI na siyasatin ang umano’y “malapit na relasyon” ng First Lady kay Ngu ay “pawang hearsay.”

“He is like a nuisance candidate who was given cash to buy vinegar in a store and made a side-trip to the ICI to submit his letter,” ani Castro.

Dagdag pa niya, hindi bibigyang pansin ni Araneta-Marcos ang isyu dahil “pawang tsismis” lamang ito. “We know that she is also a lawyer,” ani Castro.

Ayon sa Palasyo, hahayaan nila ang ICI na magpasya kung ano ang susunod na hakbang, ngunit batay umano sa mga kalakip ng liham, “wala itong ipinakitang koneksyon o ebidensya” na sangkot ang First Lady sa anumang anomalya.

Sa kanyang liham, sinabi ni Santander—na nagpakilalang culture and peace advocate—na may “malapit na relasyon” sina Araneta-Marcos at Ngu, at binanggit ang ilang pampublikong pagtitipon kung saan nagkasama umano ang dalawa, kabilang ang isang Cherry Mobile event at hapunan kasama sina Sen. Francis Escudero at Heart Evangelista sa Cork Wine Bar sa Taguig City, na umano’y pagmamay-ari ni Ngu.

Si Ngu ay una nang inakusahan ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ng pagtanggap ng P160 milyong kickback umano para kay Escudero sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee hinggil sa flood control projects noong nakaraang buwan.

Matapos ang isyung ito, nagbitiw si Ngu bilang independent director ng Altus Property Ventures Inc., kompanyang nakabase sa Ilocos Norte na pinamumunuan ni Faraday Go, kapatid ni Frederick Go, na Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.

Ayon pa sa Palasyo, nag-expire ang termino ni Ngu bilang special envoy noong Agosto at hindi na ito ni-renew, kasabay ng pag-ugong ng flood control controversy.

Kinuwestiyon din ni Castro kung may personal na kaalaman si Santander sa kanyang mga paratang. “If he has no personal knowledge, then this will just serve as hearsay evidence,” aniya.

“If it is, then should we give it attention and serious consideration? Or is this a fishing expedition meant to tarnish the reputation of the first lady?” dagdag niya.

Ayon naman kay ICI executive director Brian Keith Hosaka, masyado pang maaga upang sabihing iimbitahan si Araneta-Marcos sa kanilang pagdinig dahil hindi pa nila nasusuri ang liham ni Santander. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here