MANILA, Philippines – Dalawa ang nasawi habang lima ang sugatan nang magkaroon ng pagsabog sa isang pagawaan ng paputok sa Norzagaray, Bulacan, nitong Miyerkules, Oktubre 22.
Ayon sa ulat, napakalakas ng pagsabog na nagdulot ito ng pinsala sa mga kalapit na bahay.
“Yung pressure ng pagsabog, pwede pong mag-ano po sa tao, kahit sa mga physical structure ng buildings, pwede niyang gibain yung structure natin,” pahayag ni BFP Norzagaray municipal fire marshal chief F/Sr Insp. Francis Rosales, sa panayam ng GMA News.
Ayon sa mga residente, paulit-ulit na umano silang humihiling na ilipat ang pagawaan malayo sa kanilang mga bahay para sa seguridad ngunit tila hindi sila pinapakinggan.
Hindi pa tinukoy ang pangalan ng mga nasawi ngunit ang limang mga sugatan ay nagtamo naman ng mga sugat sa katawan.
Ayon sa Norzagaray MDRRMO, aabot sa 45 tirahan ang napinsala.
Samantala, sinabi ng mga awtoridad na posibleng dahil sa fireworks powder ang sanhi ng pagsabog.
“Mga pulbura o posibleng mga stock ng paputok,” sinabi ni SFO3 Larry Gutierrez, BFP Norzagaray fire arson investigator.
“Base sa aming pag-validate sa mga permit, wala silang permit.”
Hinahanap na ng mga awtoridad ang may-ari ng pagawaan na posibleng maharap sa reklamon multiple homicide, multiple injuries, at damage to properties. RNT/JGC