MANILA, Philippines – Inilagay ng Pilipinas ang New Caledonia sa ilalim ng Crisis Alert Level 2 o Restriction Phase kasunod ng deklarasyon ng state of emergency sa nasabing teritoryo.
Sa abiso, hinimok ng Department of Foreign (DFA) ang 200 Filipino at Filipinos by descent sa New Caledonia na manatiling alerto, iwasan ang mga pampublikong lugar at limitahan ang non-essential movement.
“Filipinos are also advised to monitor and follow guidelines set by local authorities,” ayon sa DFA.
Maaaring kontakin ng mga Pinoy ang Philippine Consulate General in Sydney para sa mga hinaing at alalahanin sa pamamagitan ng [email protected] at +61 481 728 027.
Sa huling ulat ay pito na ang nasawi habang daan-daan ang inaresto, habang ilang malalaking mga gusali at sasakyan ang sinira sa mga karahasan sa New Caledonia na sumiklab dahil sa electoral reform at sharp economic disparities sa pagitan ng indigenous Kanak population at mga mamamayang may European background.
Noong Biyernes ng gabi, binaril-patay ng isang pulis ang isang lalaki, isang araw matapos na bumisita si French President Emmanuel Macron para pakalmahin ang sitwasyon.
Ang pagdating ng karagdagang 480 gendarmes ay nagdala sa kabuuang bilang ng French security forces sa naturang Pacific territory sa 3,500. RNT/JGC