MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatili ang voluntary repatriation phase o Alert Level 3 sa Israel.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega, maghihintay pa ang departamento ng opisyal na rekomendasyon mula sa Philippine Embassy sa Tel Aviv kung mananatili o ibababa na ang alert level, dahil ang mga aktibidad sa Israel ay unti-unting bumabalik sa normal matapos ang tigil-putukan sa Iran.
“Still Alert Level 3. We shall await (the) recommendations of Ambassador (Aileen Mendiola),” ang sinabi ni de Vega.
Opisyal namang tinapos ng Israel ang state of emergency matapos magdeklara ng “historic victory” sa 12-day military action laban sa Iran.
Binawi naman ng Israel Defense Forces Home Front Command ang lahat ng restriksyon sa eskuwelahan, pampublikong pagtitipon, at lugar ng trabaho.
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni de Vega na magpapatuloy ang repatriation para sa mga humiling na umalis na ng Israel.
“As Israel mulls to fully reopen its airspace, the repatriation via Jordan will likely be put on hold,” ani de Vega.
“There are around 50 (scheduled for repatriation) through Jordan but this has been put on hold muna (in the meantime),” aniya pa rin.
Sa ulat, sinabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na normal na muli ang sitwasyon sa kanilang bansa, pero patuloy pa rin umano silang tutulong sa mga Pilipino na nais na umuwi muna sa Pilipinas.
Sinabi ng embahador na inalis na ang state of emergency sa Israel kasunod na rin ng tigil-bombahan ng bansa at ng Iran.
“Life in Israel is back to normal, which means for the [Overseas Filipino Workers] in Israel, it is safe to go out, to go do your shopping, to meet your friends, continuing with daily life as you did before,” ani Fluss.
Base naman sa pinakabagong data mula sa Philippine Embassy sa Israel, may 340 OFWs ang nag-request na bumalik na ng Pilipinas, kabilang na rito ang 50 na kumpirmadong mapapauwi na ng bansa.
Sa 12-day Israel-Iran conflict, may 135 Pinoy worker ang nawalan ng tahanan dahil sa missile impact; 125 mula sa mga ito ay inilipat sa temporary housing accommodations at Department of Migrant Workers shelters.
May kabuuang 26 overseas Filipino workers ang nakabalik na ng Pilipinas habang may 100 Filipino pilgrims at estudyante ang nauna nang na-repatriate.
Sa walong nasugatang Filipino sa Iranian air raids, pito ang na-discharge habang isa naman ang nananatiling nasa kritikal na kondisyon matapos magtamo ng ilang sugat.
Sinabi ng embahada na ang Filipina ay sumailalim sa dalawang surgery sa intensive care unit ng Shamir Medical Center.
Samantala, nakatanggap naman ng iba’t ibang tulong ang 412 Pinoy mula sa embahada gaya ng emergency financial assistance, probisyon ng temporary shelter, at relief packages na naglalaman ng pagkain, damit, at hygiene products.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga Filipino sa Israel ay hinihikayat na sumailalim sa voluntary repatriation.
Para sa mga payag at handang mag-avail ng tulong mula sa embahada sa ilalim ng programang ito, maaaring kontakin ang: