Home NATIONWIDE House prosecution sa Ombudsman: Impeachment hayaang umusad

House prosecution sa Ombudsman: Impeachment hayaang umusad

MANILA, Philippines – Umapela ang tagapagsalita ng House prosecution team sa Office of the Ombudsman na ipagpaliban ang plano nitong imbestigasyon laban kay Vice President Sara Duterte sa katwirang dapat na mauna ang impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Atty. Antonio Audie Bucoy, maituturing na premature kung kikilos na ang Ombudsman habang nagpapatuloy pa ang proseso ng impeachment.

Tinukoy nito ang Republic Act 6770, o ang Ombudsman Act of 1989, na nagtatakda na hindi saklaw ng Ombudsman ang mga impeachable official.

“Ang impeachment proceedings po is of primordial consideration. ‘Yan ho ang pinakamataas na antas tungo sa panagutin ang impeachable official,” paliwanag ni Bucoy.

Sinabi ni Bucoy na maaari lamang magsagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman kung ang layunin ay maghain ng verified impeachment complaint, na hindi naman naaangkop sa kaso ngayon ni VP Duterte.

Dahil opisyal nang nag-convene ang Senado bilang isang impeachment court, ito lamang ang may kapangyarihang duminig sa kaso. Gail Mendoza