Home NATIONWIDE Nakatagpo ba ng kakampi si VP Sara sa Senado? Taumbayan ang huhusga...

Nakatagpo ba ng kakampi si VP Sara sa Senado? Taumbayan ang huhusga — House spox

MANILA, Philippines – Ayaw magbigay ng espekulasyon ni House Spokesperson Atty. Princess Abante kaugnay ng isyung mistulang tinulungan ng Senate impeachment court si Vice President Sara Duterte sa kinakaharap nitong impeachment case.

Ayon kay Abante, ayaw na niyang bigyan ng interpretasyon ang ginagawa ng Senado, maliban sa pagsasabing nakabantay ang publiko sa proseso ng paglilitis.

“I wouldn’t want to make any speculations. We expect and assume that the senator-judges, in all of their actions in these proceedings, are acting with impartiality,” ani Abante.

Aniya, ang taumbayan ang huhusga sa ginagawa sa impeachment proceedings.

Giit ni Abante, nagampanan na ng Kamara ang tungkuling itinatakda ng Konstitusyon sa pamamagitan ng pag-endorso at pagsusumite ng Articles of Impeachment.

“Ang House, nagampanan na ang trabaho, ang kanyang tungkulin sa impeachment proceeding. Hindi naman doon natatapos ang trabaho ng Kamara,” ani Abante.

“Naka-focus na rin kami sa mga dapat nating ibang trabaho para magbigay ng mas mataas na antas ng pamumuhay sa mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Abante na patuloy ang pagsuporta ng House sa pagpasa ng mga makabuluhang batas na umaayon sa “Bagong Pilipinas” agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. Gail Mendoza