MANILA, Philippines – Handang-handa na ang Commission on Elections (Comelec) para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa darating na Oktubre 13, 2025.
Nitong Miyerkules, Hunyo 25, nagkaroon ng pagpupulong sa ‘Kampilan’ Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na pinangunahan ni Comelec Chairman George Garcia.
Kasama sa pulong sina Regional Director ng PRO BAR at ang Deputy Commander ng 6th Infantry Division Army na si Brig. Gen. Patricio Ruber Amata, at nagkasundo na magtulungan sa seguridad ng naturang electoral exercise.
Sa naturang paghahanda, tiniyak ng Comelec ang security support para sa mga kawani ng komisyon na may direktang partisipasyon sa pag-administer ng nasabing halalan.
Ayon kay Garcia, lahat ng kanilang paghahanda para sa BARMM elections ay kanila nang inilalatag.
Ang kauna-unahang parliamentary elections ay naitatag bunga ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)