Home SPORTS Alex Eala magpapahinga, “Me Time” muna

Alex Eala magpapahinga, “Me Time” muna

MAKARAAN ang kanyang makasaysayang kampanya sa 2025 WTA 1000 Miami Open noong nakaraang linggo, naglaan ng oras si Alex Eala upang magdiwang ng kanyang tagumpay.

Kaya matapos talunin ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, kabilang sina Grand Slam champions Jelena Ostapenko, Madison Keys, at ang world no. 2 na si Iga Swiatek, bumisita si Eala sa Universal Studios Florida Theme Park noong Linggo upang mag-relax.

Sa isa sa kanyang Instagram stories, ibinahagi ni Eala ang isang larawan kung saan makikitang may “milk-stache” siya mula sa kanyang iniinom.

Sa kabila ng kanyang semifinals exit laban kay Jessica Pegula, may higit pang dahilan para magdiwang ang 19-anyos na tennis star dahil sa kanyang bagong kasaysayan sa pandaigdigang ranggo ng WTA.

Noong Lunes, opisyal na itinaas ng WTA ang ranking ni Eala sa world no. 75, mula sa kanyang dating career-best na no. 134.

Dahil sa bagong ranking na ito, inaasahang makakakuha si Eala ng direktang puwesto sa mga pangunahing draw ng susunod na mga WTA tournaments, pati na rin sa nalalabing Grand Slam events ngayong taon.GP