MANILA, Philippines – Hindi nakadalo si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa kanyang bayan.
Ito ang kinumpirma ng abogado niyang si Atty. Stephen David, sa pagsasabing si Guo ay “not feeling okay.”
“Sick and stressed siya,” dagdag ni David.
Si Guo ay ginigisa sa imbestigasyon ng Senado sa POGO hub sa Bamban, makaraang makita na personal siyang sangkot sa pagproseso ng mga dokumento para sa operasyon nito.
Kinwestyon din ang citizenship ni Guo dahil sa hindi magkakatugmang testimonya tungkol sa kanyang background at maanomalyang dokumento kaugnay sa kanyang pagiging Filipino.
Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang petisyon ni Guo na alisin ang six-month preventive suspension na inihain laban sa kanya dahil sa kaugnayan sa Bamban POGO.
Sa resolusyon na may petsang June 21, sinabi ng Ombudsman na nakitang malakas ang ebidensyang inihain laban kay Guo at iba pang respondents.
Bukod kay Guo, sinuspinde rin ng Ombudsman sina Bamban Business Permit and Licensing Office (BPLO) officer Edwin Campo at Municipal Legal Officer Adden Sigua. RNT/JGC