Home NATIONWIDE Alice Guo ‘di pipiliting kumanta – abogado

Alice Guo ‘di pipiliting kumanta – abogado

207
0

MANILA, Philippines- Sinabi ng legal counsel ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi niya pipiliting sumagot ang kanyang kliyente kung ayaw nito, dahil madidiin umano ito sa gitna ng pagpapatuloy ng imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot ni Guo sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at crime syndicates.

Base sa abogado ni Guo na si Atty. Stephen David, papayuhan niya ang kanyang kliyente na iwasang magsabi ng anumang makapagdidiin sa kanya sa pagharap niya sa Senado ngayong Lunes.

“‘Yun ang dilemma kasi diba? Wala sanang problema ‘yan kaya lang kung may kaso ka kasi, papaano naman kung may mga salita doon na magiging incriminating laban sa’yo, magagamit laban sa’yo sa husgado. Siyempre hindi ko siya pipilitin sumagot kung ayaw niya sumagot,” aniya batay sa ulat nitong Linggo.

Isang araw bago ang Senate hearing, nakaranas umano si Guo ng pananakit ng tiyan matapos makainom ng tap water sa custodial center sa Camp Crame. Maayos na umano ang kalagayan nito hanggang nitong Linggo ng hapon.

“Parang nanibago daw po doon sa tubig po na gripo po kasi may gripo po doon, so humiling po siya na kung pupuwedeng makapagpasok po ng bottled water at ayun, pinagbigyan naman po ‘yun,” pahayag ni Philippine National Police spokesperson PCol. Jean Fajardo.

Ani Fajardo, dadalhin si Guo sa Senado ngayong Lunes, na bantay-sarado ng security detail, nakaposas at nakasuot ng bulletproof vest.

Matatandaang nagpalabas ang Senado ng arrest order laban sa kanya noong Hulyo 13 matapos ang ilang beses na hindi pagsipot sa imbestigasyon sa sinalakay na POGO hub sa kanyang bayan.

Nahaharap din siya sa kabuuang 87 counts ng money laundering, at human trafficking complaint kaugnay ng raid.

Nagpalabas din ang Tarlac Regional Trial Court Branch 109 ng arrest warrant para kay Guo noong Huwebes kaugnay ng kasong graft. RNT/SA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here