AYON sa National Disaster Risk Reduction Management Council, may 16 nasawi kay bagyong Enteng, nasa 15 ang nasugatan habang 21 ang missing.
Sana naman, hindi umabot sa pamumulubi ang mga pamilyang namatayan, lalo na ang mga nasawian ng mga magulang o haligi sa pamilya.
Inasahan na lang natin na kumilos ang mga kapitan ng mga barangay at mayor ng bayan o lungsod at kanilang mga kagawad at konsehal para saluhin ang malungkot na kalagayan ng mga namatayan.
Karaniwang ding umaayuda ang mga gobernador, bokal at kongresman na nakasasakop sa kanila.
Sana naman yung mga nasugatan, gumaling na at ang mga naospital, nakalabas na rin.
Sana rin, ‘yung mga missing, natagpuan na ring buhay.
‘Yung mga nawasakan ng bahay, siyempre pa, matagal bago sila makabuo muli.
Ngunit ang mga nabaha na naglimas ng mga putik, sana rin nakauwi ang naayos na rin ang kanilang mga tahanan.
At ang mga nasiraan ng ikabubuhay, gaya ng nag-aalaga ng mga isda, baka, kalabaw, baboy, manok, pugo at iba pa, sana rin magkaroon muli ng mga puhunan sa bisa ng ayuda ng pamahalaan.
Ang mga nasiraan ng negosyo at nawalan ng trabaho sa mga nasirang negosyo o tumigil ang operasyon, sana muli silang makarerekober o nagpapatakbo muli at kasama na ring mabuhay ang kanilang mga obrero.
MAWERTE PA RIN TAYO
Sinasabi nating maswerte pa rin tayo, mga Bro, kahit may mga nasawi, nasugatan, missing at nasiraan ng mga tahanan, negosyo at ari-arian dahil kay Enteng.
Bakit?
Anak ng tokwa, makaraan palang umalis sa Philippine area of responsibility si Enteng sa Ilocos Norte at Batanes, naging super bagyo na mula sa signal number 2 lang sa Pinas.
Super bagyo ang tawag sa bagyong lalagpas sa 185 kilometro kada oras na bilis o lakas ng hangin.
Umabot sa 240 kilometro kada oras na may napakalakas na ulan ang bagyong ito nang tumama sa Hainan, China.
Pinagtago lahat ng 10 milyong residente habang nasa isang milyon ang pinagbakwit mula sa mga dalampasigan.
Makaraan nito, tumama rin sa Vietnam na super bagyo pa rin si Enteng ngunit humina na sa mahigit 200 kilometro kada oras ang hangin nito.
Libo-libong puno at maraming bahay ang nasibak at maraming pabrika ang lumubog sa baha sa Vietnam.
Ngayon nagbibilang pa lang ang Hainan ng patay, may 2 na, at Vietnam din, may 1 na.
Ayon sa mga taga-Hainan, si Enteng ang pinakamalakas na bagyong dumating sa kanila sa taong ito at sa mga Vietnamese, pinakamalakas sa nakalipas na ilang dekada.
Si Enteng ang pangalawa namang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo simula noong Enero 2024.
MAGPASALAMAT TAYO
Magpasalamat talaga tayo sa Panginong Diyos na hindi tumama sa atin habang super bagyo si Enteng.
Kung nagkagayon, por diyos por santo, ‘di natin alam kung ano sana ang nangyari.