MANILA, Philippines- Naghain ang Department of Justice (DOJ) ng qualified human trafficking case laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa.
Kinasuhan si Guo at iba pa ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, as amended by the Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Anang DOJ, isinampa nito ang kaso sa Pasig regional trial court (RTC) nitong Martes ng hapon.
Kabilang din sa sinampahan ng kaso sina Huang Zhiyang, tinukoy ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na umano’y “boss of all bosses” ng illegal POGOs, Zhang Ruijin, at Lin Baoying.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Justice Undersecretary Nicky Ty na sa ilalim ng batas, ang mga indibidwal na nag-oorganisa ng establisimiyento na sangkot sa human trafficking ay maaaring panagutin sa human trafficking.
“Basta mapakita na may kinalaman ka sa pagtayo o pag-organize ng isang kumpanya na nadawit sa human trafficking, maaari kang makasuhan ng human trafficking,” pahayag ng opisyal.
Isinumite para sa resolusyon noong Agosto 6 ang reklamong inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group noong Hunyo.
Kalaunan ay inamin ni Guo na nilagdaan ang huling pahina ng kanyang counter-affidavit bago siya umalis sa Pilipinas noong Hulyo.
Nahaharap din si Guo sa graft case sa Valenzuela court at money laundering complaint sa DOJ. RNT/SA