MANILA, Philippines – Maghahain ng certificate of candidacy (COC) si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa susunod na linggo para muling tumakbo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac.
“Next week,” sagot ni Stephen David, legal counsel ni Guo sa isang ambush interview sa Department of Justice (DOJ).
Ani David, maaaring ihain ng kampo ni Guo ang kanyang COC sa Martes, Oktubre 8, o deadline ng pasahan ng COC.
Aniya, hindi pa napagdedesisyunan ng korte kung siya ay Filipino o hindi.
“Makakansel ba ‘yun? ‘Di ba? She’s a Filipino, she’s a Filipina, so wala namang decisions ang courts as of now na hindi siya Filipino,” sinabi pa ni David.
Noong Hulyo, naghain ang Office of the Solicitor General (OSG) ng quo warranto petition laban kay Guo sa korte sa Manila.
Naghain din ang OSG ng petisyon na magkakansela sa birth certificate ng dating mayor.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, sa oras na makansela, ang pinakamahalagang depensa nito ay ang kanyang pagkakakilanlan. RNT/JGC