MANILA, Philippines – Hindi pa natatapos ang kalbaryo ni Guo Huang Ping o kilala bilang alyas Alice Guo, dating alkalde ng Bamban, Tarlac hinggil sa isinasagawang imbestigasyon ng Kongreso sa illegal POGO operations.
Sa Senado, muling tatalupan si Guo sa paratang na isa itong Chinese spy base sa ulat ng Al Jazeera na sangkot ang pinatalsik na alkalde sa paniniktik sa bansa, ayon kay Senador Francis Tolentino.
Tinutukoy ni Tolentino ang interview ng international news sa isan g She Zhijiang, na sangkot sa scam sites na kinasasangkutan ng human trafficking at forced labor na nakakulong ngayon sa Thailand. Sinabi ng ulat na pawang Chinese spy si She at natatakot itong mapatay kapag ibinalik sa China.
“Baka sa part two tanungin ko ‘yan, anong masasabi mo do’n sa video. Although kung ano man ‘yun do’n, ‘yung rules of admissibility sa ating husgado ay baka hindi naman ma-authenticate natin ‘yung video kasi wala naman dito kung sino man ‘yun, nasa Thailand,” ayon kay Tolentino.
“But again, it can open up a discussion kung ano ‘yung mapapag-usapan. I will raise that during executive session at kung ano man ang sagot, hindi ko rin naman pwedeng sabihin sa inyo,” dagdag niya.
Ipinalabas ang documentary sa pagdinig ng House QuadComm nitong Biyernes na nagpapakita ang pagsabog ni She hinggil sa mga Chinese spy at international conspiracy.
Sa interview sa kulungan, ibinulgar ni She na isa siyang Chinse spy at isa sa lihim na sangkot na kinasasangkutan ni Guo. Aniya, ginamit nito ang mobile phone ng kanyang handler upang kontakin si Guo Hua Ping, or Alice Guo, sa Pilipinas.
Hiniling umano ni Guo na pondohan ang kanyang kampanya noon sa Bamban, Tarlac.
“Guo Huaping, China cannot be trusted. The two of us dedicated our lives to China’s Ministry of State Security. Look at what happened to me,” ayon sa ulat.
“If you don’t want to be eliminated, tell the world the truth,” dagdag niya.
Mahigpit na pinabulaanan ni Guo na isa siyang Chinese spy.
Inamin naman ng senador na lubhang nakakaalarma ang documentary pero ipinaliwanag nito na ituturing pa rin nilang isa itong video kung walang ebidensiyang magpapatunay dito.
“Alarming kung alarming. But again, sa ngayon, ‘di sa pinagtatanggol ko siya, [pero] lahat base dapat sa ebidensya. Kung ano ang ebidensya na naka-lista ba siya do’n sa kung sino man ang nasa Thailand,” aniya.
“Mas maganda mapapunta natin ‘yung taga Thailand dito or makapag-hearing kami sa Philippine Embassy sa Bangkok. Patawag ‘yung nasa Thailand na ‘yun at magkaron ng hurisdiksyon. Otherwise, video lang ‘yun,” giit niya. Ernie Reyes