Home HOME BANNER STORY Alice Guo na-trauma na, ayaw dumalo sa Senate hearing – abogado

Alice Guo na-trauma na, ayaw dumalo sa Senate hearing – abogado

MANILA, Philippines – Ayaw nang dumalo ni suspended Bamban Mayor Alice Guo sa mga susunod na imbestigasyon ng Senado sa ni-raid na POGO hub sa kanyang bayan.

Ayon sa abogado niyang si Atty. Stephen David, na-trauma ito sa mga nagdaang hearing.

Ito ay sa kabila ng paglalabas ng subpoena laban sa kanya at mga babala mula kay Senador
Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian.

“Nu’ng kausap ko siya, ang sabi niya mukhang hindi niya kaya dahil sa mga trauma na nararanasan niya. Mantakin mo naman sa dami ng mga binabatong alegasyon sa kanya tapos sinisigawan pa siya do’n. ‘Yung stress level niya masyado nang mataas. Parang natu-trauma na siya kapag naririnig niya ‘yung mga ganyang hearing e,” ayon kay David sa panayam ng DZBB nitong Lunes, Hulyo 8.

Idinagdag ni David na nasa mga mambabatas na kung maniniwala sila sa medical reasons ni Guo.

Anang abogado ng sinuspindeng alcalde, mayroon itong medical conditions at binigyan na ng mga gamot.

Takot naman na magbigay ng medical certificate ang doctor nito dahil baka mapatawag ito sa Senado para tumestigo.

“Pinagtataka niya bakit galit na galit sa kanya ang mga netizen e samantalang wala naman siyang ninakaw, wala namang kinorap, wala namang pinatay na tao. Hindi niya maintindihan, samantalang mahal na mahal naman siya ng mga kababayan niya. Bakit ginaganyan siya? ‘Yun ang hindi niya maintindihan,” ani David.

Sa kaparehong panayam, kinwestyon ni David ang authenticity sa mga dokumento na ipinalabas para sabihing si Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa.

Matatandaan na kinumpirma ng National Bureau of Investigation na ang fingerprint ni Guo at ng Chinese national ay “affixed by one and the same person.”

“Ako rin nagtataka e papaano mo masasabi na after 30 years meron kang nakikitang dokumento. May archive ba ang gobyerno na ganyan? Ang alam ko ang record natin sa loob ng limang taon, sampung taon sinusunog na e,” dagdag pa niya.

“Wala pa nga silang iprinisentang ebidensya doon (courts)… ‘Di naman lahat ng nilalabas mo ay totoo. Ang dami dami namang mga dokumento… Excited talaga ako kung paano natin iko-cross exam ‘yang mga dokumento na yan,” ani David.

“Kung ‘yan ‘di totoo, eh ‘di mananagot sila. Pero pag totoo eh ‘di ang katotohanan ang lalabas. Ang gusto lang naman natin ang katotohanan ayaw lang natin maging injustice…na pagbibintangan mo ‘yung tao na wala ka pang basehan… Ang lahat ‘yan kailangan idulog natin sa husgado. Rule of law tayo,” pagpapatuloy pa ng abogado. RNT/JGC