Home METRO PCG personnel na nag-aalok ng tulong sa recruitment kapalit ng pera, nalambat

PCG personnel na nag-aalok ng tulong sa recruitment kapalit ng pera, nalambat

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng joint entrapment operation ang Philippine Coast Guard (PCG) at PNP-CIDG Regional Field Unit 9 laban sa isang Coast Guard personnel na nag-aalok ng tulong sa mga aplikante kapalit ng malaking halaga.

Ayon sa PCG, ang nasabing indibidwal ay nakatalaga sa Coast Guard Logistics and Finance Management Center – Southwestern Mindanao (CGLFMC-SWM), at naaresto kasunod ng ulat mula sa target na Philippine Coast Guard (PCG) Commission applicant. 

Sinabi ng aplikante na ang suspek ay nag-alok na tulungan siya sa kanyang aplikasyon kapalit ng P250,000 noong Hunyo 27,2024.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-CIDG RFU9 ang suspek para sa pagsasampa ng kasong Estafa.

Nagsasagawa rin ng pormal na imbestigasyon ang  Coast Guard Inspector General and Internal Affairs Service (CGIGIAS) hinggil dito.

Mahaharap pa ang indibidwal sa kasong administratibo sa ilalim ng ‘Revised Guidelines and Procedures on the Disposition of Violations of the Code of Conduct and Discipline’  para sa  PCG Uniformed Personnel.

Muling pinagtibay ng PCG ang pangako nitong zero tolerance para sa mga aksyon na sumisira sa mga prinsipyo ng pagiging patas, integridad, at meritokrasya. 

Hinihikayat ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa proseso ng recruitment. Jocelyn Tabangcura-Domenden