Home HOME BANNER STORY Alice Guo nagpiyansa sa graft charges

Alice Guo nagpiyansa sa graft charges

Hindi na napiga ng mga Senador si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang humarap sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado.Ginigisa ng mga senador si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Dong Calugay sa posibilidad na relasyon o ugnayan nila ni Guo. CESAR MORALES

MANILA, Philippines – Nagpiyansa si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo nitong Biyernes, Setyembre 20 para sa graft charges nito.

Sa kabila nito ay mananatili si Guo sa nakakulong dahil sa iba pang kaso at contempt orders mula sa Senado at Kamara.

Si Guo, na kasalukuyang naka-detain sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, ay nagpiyansa ng P540,000 sa Valenzuela City Regional Trial Court Branch 282 para sa mga kasong may kaugnayan sa
paglabag sa Section 3(e) at 3(h) ng Republic Act 3019.

Ang kanyang graft charges ay nag-ugat sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government sa kaugnayan nito sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban.

Isasagawa sana nitong Biyernes ang arraignment ni Guo ngunit ipinagpaliban matapos maghain ng motion to quash information ang kampo ng dating alkalde.

Mayroong hanggang Miyerkules, Setyembre 25 ang dalawang kampo para magkomento sa mosyon.

Ang piyansa ni Guo ay ginawang triple batay na rin sa suhestyon ng prosekusyon. Ito ay inaprubahan ng Valenzuela court.

Nagpakita ang kanyang biyahe palabas ng bansa ng kakayahan nitong bayaran ang nasabing halaga.

“Tanggap na nya and situation, nag-sink na sa kanya and mga pangyayari. As I have said, you just have to leave it to the Lord because he has a better purpose for all that is happening right now,” sinabi ng abogado ni Guo na si Stephen David.

Matapos magpiyansa ay muling inaresto si Guo para sa mga reklamong kinakaharap niya naman sa Pasig RTC.

Mula sa Valenzuela RTC ay dinala ito sa Camp Crame para sa medical examination.

Samantala, ipinag-utos ng Pasig RTC Branch 167 ang paglilipat kay Guo mula sa PNP Custodial Center patungo sa Pasig City Jail Female Dormitory na may kaugnayan sa kanyang qualified trafficking case, na isang non-bailable case.

Sa oras na dalhin si Guo sa female dormitory ay makakasama nito ang mahigit 40 iba pang inmates.

Naka-detain din sa naturang dormitory ang tatlong kasamahan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

Sa kabila nito, siniguro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi nila bibigyan ng VIP treatment si Guo.

Si Guo ay sinampahan na rin ng 87 counts ng money laundering sa Department of Justice.

Inihain ang quo warranto petition laban kay Guo, maging ang petisyon na kanselahin ang birth certificate nito sa korte sa Tarlac. RNT/JGC